Buwan ng Wika 2017: “Filipino: Wikang Mapagbago”

Isang maulang umaga ng Agosto 29, 2017, nang ipinagdiwang ng komunidad ng Hope Christian High School ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na nilahukan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang antas mula sa Elementarya, Junior High School, at Senior High School bilang pagsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Bilang 1041 s. 1997.

Napuno ang Teatrong Bulwagan ng Hope Christian High School ng di-magkamayaw na palakpakan at nakakikiliting tawanan nang pasimulan ng mga mag-aaral na kabilang sa Dance Troupe ang programa sa kanilang nakaiindak na Ebolusyon ng Sayaw na sinundan naman agad ng pagtatanghal ng mga nagsipagwaging mag-aaral na nakilahok sa iba’t ibang paligsahan tulad ng Chamber Theater na sinalihan ng mga mag-aaral sa Baitang 3 at Baitang 4 sa pamumuno ni Gng. Cristina U. Shih; Reader’s Theater Baitang 5 at Baitang 6 sa paggabay ni Bb. Rachelle P. Llagas; Poster Making Baitang 7 at Photo Essay sa pamamatnubay ni Gng. Imelda Jovelyn Ballesteros; Infomercial at Travelogue sa pangunguna ni Bb. Chona S. Lunas.

 

 

Ilang piling mag-aaral din mula sa Baitang 10 ang tumuntong sa entablado at nagtanghal ng pamosong Spoken Words  na hinugot mula sa mga kaisipang napapaloob sa apat na klasiko – Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Nagkaroon din ng malaking partisipasyon ang Senior High School sa naturang pagdiriwang sa superbisyon ni G. Alfredo Palma.  Kinulayan nila ng magagandang pabitin ang bulwagan at simple ngunit nakabibighaning dekorasyon ang entablado.

 

Winakasan ng mga piling mag-aaral sa Baitang 12 ang programa sa kanilang rendisyon ng “Gawing Langit ang Mundo”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *